Miyerkules, Disyembre 28, 2011
TAGUMPAY NG KABATAAN, TAGUMPAY NG MAMAMAYANG PILIPINO! by Kabataan Partylist Southern Tagalog
ANG TAGUMPAY NG KABATAAN PARTYLIST AY MALINAW NA KATIBAYAN NG TUNAY NA PULITIKA NG PAGBABAGO. Ang bawat boto ng Kabataan at ng aming mga kapatid na partylist sa Makabayan Coalition—Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers, Akap Bata at Katribu—ay ikinampanya ng walang maruming propaganda at paninira o anumang porma ng pandaraya. Pinatutunayan nito na tanging sa malinis na paraan ng paghahapag ng plataporma de gobyernong nakabatay sa pag-angat sa kalagayan ng sambayanan makukuha ang tunay na suporta ng mamamayan.
ANG TAGUMPAY NG KABATAAN PARTYLIST AY BANTA SA NAGHAHARING TIWALING SISTEMA. Unang lumahok ang mga kabataan sa pambansang halalan noong 2004 sa ilalim ng pangalang “Anak ng Bayan Partylist”, ngunit naging biktima ito ng malawakan at sistematikong pandaraya at paninira na naging dahilan ng pagkabigo ng partido ng kabataan. Bumangon at pinukaw ng kabataan ang sambayanan, puspusang nag-organisa at inihanda ang isang matibay na pagkakaisa. Ito ang naging matatag na sandata ng kabataan upang magtagumpay noong 2007 at ngayong 2010 sa paglahok nito sa halalan. Ang pagkakaisang ito rin ang siyang wawakas sa maruming pulitika, sa “trapo,” kurapsyon at katiwalian sa ating bansa. Patunay ito, kung gayon, na may pag-asa pa ang mamamayan. Tanging sa mahigpit nating pagkakaisa makakamit ang tunay na panlipunang pagbabago na matagal na nating inaasam.
ANG TAGUMPAY NG KABATAAN PARTYLIST AY HUDYAT NG MAS MATINDING ATAKE SA KARAPATAN NG MAMAMAYAN. Nasaksihan natin ang matinding panggigipit sa mga matatapang at progresibong partylist sa mga nakaraang taon dahil batid ng rehimeng Gloria Arroyo na mailalantad ng mga ito ang mga kaso nito ng korupsyon at katiwalian. Maging ang Kabataan Partylist ay hindi naging ligtas sa panggigipit. Mula sa pagkaupo ng Kabataan Partylist noong Hunyo, inipit na ni Gloria Arroyo ang pondo nito. Papatindi rin ang pagbabansag sa Kabataan Partylist mula sa mga elemento ng militar bilang terorista kasabay nito ang pananakot at panunupil sa ating mga miyembro. Nitong nakaraan, kasama si Jaqueline Gonzales, miyembro ng Kabataan Partylist, sa mga 43 manggagawang pangkalusugan na dinukot at iligal na kinulong sa Morong, Rizal.
ANG TAGUMPAY NG KABATAAN PARTYLIST AY PATUNAY NG PAPALAKAS NA BOSES NG KABATAAN AT MASA SA LOOB NG PAMAHALAAN. Sa halos siyam na buwan pa lamang na pagkakaupo ng Kabataan Partylist sa Kongreso, hindi na nito binigo ang sambayanan lalo na ang kabataan para sa pag-aangat ng kabuhayan ng mamamayang anakpawis. Ilan sa ating tagumpay ang pagpapabasura sa “No permit, No exam Policy”, pagpigil sa pagtaas ng matrikula sa PUP at iba pang pamantasan, pagtulong sa 22,000 pamilyang sinalanta ng Bagyong Ondoy at Pepeng, pagpapa-extend ng voters’ registration upang makapagparehistro at makaboto pa ang 300,000 botante, pagtatanggol sa karapatan ng mga call center agents, pagpigil sa Con-Ass at Charter Change atbp. Sa susunod na tatlong taon, ipagpapatuloy ng Kabataan Partylist ang magandang simula ng ating tapat na pamamahala ng buong katapangan.
Walang ibang paraan upang maibalik ang inyong suporta kundi ang wagas nating pagkakaisa para ipaglaban ang inyong agenda para sa disenteng trabaho at P125 pagtaas ng sahod, pamamahagi ng lupang sakahan sa mga magsasaka, pagtitiyak ng lupang panirikan sa mga maralitang tagalunsod, dekalidad at libreng edukasyon, pagpapaunlad ng pambansang industriya, paggalang sa kababaihan at may piniling kasarian (bakla, homosekswal, atbp.), tunay na kapayapaan at pambansang kasarinlan.
WALANG TAGUMPAY NA NAKAMIT ANG KABATAAN NA HINDI NITO KASAMA ANG SAMBAYANANG PILIPINO!
Iniaalay ang tagumpay sa halalan ng Kabataan Partylist sampu ng mga kasapi at taga-suporta nito sa lahat ng mga martir lalo na sa mga kabataang ini-alay ang buhay para sa paglilingkod sa sambayanan. Gayundin, ang tagumpay na ito ay para sa lahat ng kabataang Pilipino at sa mamamayang patuloy na naniniwala sa lakas ng kabataan—ang mga pag-asa ng bayan—para sa edukasyon, karapatan at tapat na pamamahala. MARAMING MARAMING SALAMAT PO!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)