Miyerkules, Disyembre 28, 2011

Natatanging Progresibo ng 2011

 by

Pangatlong taon na ito ng pagkilala ng Pinoy Weekly sa mga grupo, indibidwal, kaganapan, polisiya at desisyon na may natatanging ambag sa progresibong pagbabago sa bansa.
Natutuwa kami sa munting pagkilalang ito, dahil binibigyang pagkakataon nito na balikan ang mga tagumpay ng mga mamamayan nitong nakaraang taon. Isang pagkilala ito na pinagkunutan namin ng mga noo. Bagamat hindi kasing-antas ng, halimbawa, Person of the Year ng Time Magazine, palagay nami’y maaaring makatulong ito sa pagtataguyod ng mga progresibong pagbabago na nais nating makamit sa lipunang Pilipino. Paglilinaw lang: Hindi namin sinasabing hindi natatangi at/o hindi progresibo ang iba pang indibidwal, grupo o pangyayari noong nakaraang taon. Hindi rin ito masasabing “definitive” na talaan ng mga progresibong kaganapan ng 2011. Pero kung pipilitin kaming papiliin ng ilang mga tampok na progresibo sa papatapos na taon, ito ang mapipili namin.

Ang editorial group ng Pinoy Weekly ang sumala sa naturang mga pagkilala. Anumang kahinaan o kakulangan sa mga pagkilalang ito ay nagmula sa amin, bagamat sinikap naming saklawin lahat ng istoryang nakober sa taong 2011. Tulad din noong nakaraang dalawang taon, walang pirmidong kategorya ang pagkilalang ito. 
(Basahin ang Natatanging Progresibo ng 2009 at 2010.)

Natatanging Progresibong Kilos-Protesta

Unang araw ng kampuhan noong Dis. 6, sa Recto Avenue matapos harangin ng mga pulis. (Darius Galang)
Unang araw ng kampuhan noong Dis. 6, sa Recto Avenue matapos harangin ng mga pulis. (Darius Galang)
Kampuhan laban sa kaltas, krisis at kahirapan, Dis. 6-10, 2011. Walang ilusyon ang mga kabataang aktibista na tatapatan nila ang mga protestang Occupy sa kanilang limang-araw na kampuhan nitong Disyembre. Pero kung pagbabatayan ang kanilang huling pagkilos noong Setyembre laban sa kaltas-badyet sa mga serbisyong panlipunan na aabot sa 20,000 katao, hindi nalalayong makapagpakilos ang mga militanteng kabataan ng malaki-laki. At sa pagkakataong iyon, hindi na lamang kaltas-badyet ang nais iprotesta nila. Sa diwa ng mga kontra-kapitalistang kilos-protesta sa US, Europa at iba pang bahagi ng daigdig nitong 2011, nais iprotesta ng mga organisasyong Anakbayan, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines, College Editors’ Guild of the Philippines, Karatula at iba pa, ang buong sistemang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa na nagluluwal ng matinding kahirapan at pagsasamantala. Kinakatawan nila, ayon sa mga kabataan at iba pang grupo ng mga mardyinalisadong sektor, ang “99 porsiyento.” Kaanib nila ang iba’t ibang organisasyon ng mga mamamayan sa mga pagkilos na ito.
Kabataang aktibista, sa harap ng mga pulis. (KR Guda)
Kabataang aktibista, sa harap ng mga pulis. (KR Guda)
Noong Disyembre 6, nagmartsa ang libu-libong kabataang estudyante patungong Mendiola, ngunit hinarang sila ng mga miyembro ng Manila Police District sa Morayta pa lamang. Pagtulak ng Recto Avenue, ginamitan na sila ng mga pulis ng water cannons para mapigilang makatuntong ng Mendiola. Nagkampo ang kabataan sa Plaza Miranda sa Quiapo, para makabalik agad sa Mendiola kinabukasan. Noong Disyembre 7, muli silang nagmartsa, kasama ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang sektor. (Basahin ang artikulo at tingnan ang mga larawan.) Ilang beses na hinarang, ilang beses ding nakipagtulakan, hanggang bahagyang makatungtong ang mga aktibista sa Mendiola. Pero buong puwersa nito ang ginamit ng pulis: Namalo, nanulak, nanggulpi at gumamit muli sila ng water cannons. Mahigit 40 aktibista ang sugatan at lima ang hinuli.
Pero bumalik sila. Nagkampo kinabukasan sa Bustillos. Dinala ng kampuhan ang isyu ng iba’t ibang sektor, kabilang ang pagpapabaya ng gobyerno sa mga Pilipino sa ibang bansa at pagbitay sa isang Pinoy sa China, kawalan ng sapat na trabaho sa bansa at panawagan ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod, pagtaas ng mga bilihin at singil sa mga batayang produkto at serbisyo, malawakang demolisyon sa mga maralitang lungsod, paglabag sa mga karapatang pantao, pagpapatupad ng mga polisiyang neoliberal na nagpapahirap sa mga mamamayan, pamamayani ng imperyalistang kontrol ng US sa bansa, at marami pang iba. Tulad ng kilusang Occupy sa mundo, naging “catch all” na protesta ang kampuhan. At dahil sa pandarahas na ginamit ng Estado laban sa protestang ito, napansin ito ng mainstream media. Napansin ito ng publiko at marami ang nakinig.
Honorable Mention: Matagumpay at gumuhit sa kamalayan ng madla ang Transport Strike noong Setyembre na isinagawa ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston. Samantala, nagkampo rin sa Mendiola ang mga magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong Agosto para iprotesta ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa sa Pilipinas. Kahanga-hanga rin ang malaking pagkilos ng Kilusang Mayo Uno o KMU, Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, at iba pang grupong maka-manggagawa noong Mayo 1 at Nobyembre 30 para igiit ang makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa, at igiit ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon sa paggawa. Dapat ding kilalanin ang protesta-pagluluksa ng aabot sa 15,000 katao sa Kidapawan City sa libing ni Fr. Fausto “Pops” Tentorio, Italyanong misyonerong matagal na nakipamuhay at naglingkod sa mga magsasaka at katutubo ng Mindanao, noong Oktubre. Pinaslang si Tentorio ng mga di-nakilalang armadong kalalakihan sa Arakan Valley, North Cotabato — isa sa pinakabagong mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Natatanging Progresibong Lider-Masa

Gregorio "Ka Roger" Rosal (Boy Bagwis)
Gregorio "Ka Roger" Rosal (Boy Bagwis)
Paumanhin dahil higit pa sa progresibo si Gregorio “Ka Roger” Rosal, ang tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pumanaw noong Hunyo 22 ngayong taon sa edad na 64. Si Ka Roger ay isang lider-rebolusyonaryo na karismatiko, magiit, at walang-humpay na ipinaliwanag ang rebolusyon sa masa—kapwa sa masang kanyang nakakasalamuha, at sa masang naaabot ng midya na kanyang ginamit para ipalaganap, ayon nga sa CPP, “ang mabuting balita ng rebolusyon.” Si Ka Roger, sa mahabang panahon, ang naging mukha at boses ng rebolusyon.
Ipinanganak sa pamilya ng mga magsasaka sa Batangas, sa murang edad ay dinanas ni Ka Roger ang kahirapan at pagsasamantalang dinaranas din ng milyun-milyong Pilipino. Naging estudyanteng aktibista si Ka Roger, at nag-oorganisa sa mga manggagawa sa tubuhan nang madakip at ikulong noong Batas Militar. Nakatakas siya noong 1973 at doon simula ang kanyang paglahok sa armadong pakikibaka. Ayon sa CPP, naging malaki ang ambag ni Ka Roger sa pagpapalakas ng New People’s Army sa Quezon at iba pang probinsya sa Timog Katagalugan at humawak ng matataas na katungkulan sa rehiyon.  Pero ayon nga kay Jose Ma. Sison, isa sa mga tagapagtatag ng CPP, ang tunay na hangad ni Ka Roger ay maging brodkaster. Natupad ang hangaring ito sa pagsasahimpapawid ng Radyo Pakikibaka noong dekada ’90, isang gerilyang programa sa radyo na kanyang pinamununan. Sa kanyang paghirang bilang tagapagsalita ng Melito Glor Command at kalaunan ng CPP, lalong naipamalas ni Ka Roger ang kanyang husay sa pakikipagtalastasan—gamit ang simpleng lengguwahe, naitataob niya ang mga argumento ng militar at gobyerno at nakukuha ang tiwala ng masa at maging ng midya.
Hanggang sa kanyang huling sandali, at sa kabila ng matinding paglubha ng kanyang kalusugan simula 2006, inialay ni Ka Roger ang kanyang buhay sa mga mamamayan at kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa panlipunang hustisya at pambansang kalayaan. Ipinagpaliban ng CPP ng halos tatlong buwan ang pagsasapubliko ng pagpanaw ni Ka Roger sa atake sa puso, upang masabihan muna ang kanyang mga anak na katulad niyang pulang mandirigma.
Honorable Mention: Natatangi rin sa taong 2011 ang progresibong mga lider na sina Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño at Vencer Crisostomo ng Anakbayan. Katulad naman ni Casiño ang iba pang lider-masa sa loob at labas ng parlamento na aktibong nagsalita at lumahok sa maraming isyu at paninindigan. Pero gumuhit sa publiko ang pagiging artikulante ni Casiño sa maraming paninidigan, mula sa pagpapakulong kay Gloria Arroyo hanggang sa pagbasura sa Oil Deregulation Law. Si Crisostomo naman, lalong nakilala sa publiko dahil sa kanyang karisma at pagiging artikulante sa panahon ng mga paglaban ng kanyang sektor para sa dagdag-badyet sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan.

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

Anakbayan, at iba pang militanteng organisasyon ng kabataan, sa Mendiola, noong Disyembre 10. (KR Guda)
Anakbayan, at iba pang militanteng organisasyon ng kabataan, sa Mendiola, noong Disyembre 10. (KR Guda)
Sa mga unang buwan pa lamang ng taong 2011, bumulwak na sa kalsada’t paaralan ang protesta ng libu-libong kabataan at estudyante. Sa pangunguna ng Anakbayan, isang komprehensibong militanteng organisasyon ng kabataan, aktibong lumahok sila sa mga usapin hindi lamang para sa kapakanan ng mga kabataan, kundi kahit sa panawagan ng mga manggagawa at ibang sektor tulad ng makabuluhang dagdag sahod, paglaban sa kontraktuwalisasyon at iba pang batayang isyu. Gumuhit ang kanilang mga aksiyong protesta hinggil sa “imperyalismong US” tulad ng pagbisita ni US Secretary of State Hillary Clinton. Lagi silang kasama sa mga barikada ng mga maralita upang tutulan ang mga demolisyon.
Tampok sa pagkilos ng mga kabataan at estudyante ang protesta laban sa bantang itaas ang singil ng pamasahe sa Metro Rail Transit/Light Rail Transit, kaalinsabay ng pagtutol sa pagtaas ng matrikula at panawagang dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.  Iba’t ibang porma ng pagkilos ang kanilang isinagawa, tulad ng walk-out sa mga klase, sit-down protest sa estasyon ng LRT, at iba pa. Pinauso nila – o nilapatan ng pulitikal na pakahulugan — ang planking bilang protesta. Sila rin ang pinaka-aktibong grupo na tumutol sa pagtapyas ng badyet sa serbisyong panlipunan ng gobyerno, tulad ng kaltas sa badyet ng state universities and colleges.
Matalas na tinuldukan ng Anakbayan ang kanilang isang taong pagkilos sa tinaguriang Kampuhan o Occupy Mendiola, na nagpakita sa brutalidad at kawalang respeto sa karapatang pantao ng kasalukuyan administrasyon.

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

Pagkilos ng Kilos Na Laban sa Budget Cut, sa harap ng Senado, matapos aprubahan ng Mataas na Kapulungan ang badyet ng administrasyong Aquino sa 2012. Kasama sa protesta si Sen. Alan Peter Cayetano. (Larawan mula sa Kilos Na)
Pagkilos ng Kilos Na Laban sa Budget Cut, sa harap ng Senado, matapos aprubahan ng Mataas na Kapulungan ang badyet ng administrasyong Aquino sa 2012. Kasama sa protesta si Sen. Alan Peter Cayetano. (Larawan mula sa Kilos Na)
Kilos Na Laban sa Budget Cuts. Tuluy-tuloy ang daluyong ng mga mag-aaral, akademiko’t administrador ng mga paaralan, manggagawang pangkalusugan, kaguruan, mga kawani ng gobyerno, migrante, kababaihan, at iba pang sektor, sa lansangan hanggang sa Mendiola upang iparinig ang kanilang kolektibong boses na kumukondena sa patuloy na pagbawas sa mga serbisyong panlipunan sa pambansang badyet. Nabuo ang Kilos Na upang pagbigkisin ang iba’t ibang sektor at gawing isang malakas na tinig laban sa palalang kalagayan ng serbisyong panlipunan na ibinibigay ng pamahalaan. Sa pagtatapos ng taon, nanguna ito sa kampuhan noong Dis. 6-10 — bitbit, hindi lamang ang isyu ng kaltas-badyet, kundi ang pagkondena sa mismong sistemang pang-ekonomiya at panlipunan na nagpapahirap sa duramaming bilang ng mga mamamayan.
Honorable Mention: Mainam na kilalanin ang pagsisikap ng mga organisasyong pangkarapatang pantao, maka-kalikasan at mga siyentista na makapagbuo ng malapad na hanay ng mga tagasuporta para sa ispisipikong mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Tampok na rito, halimbawa, ang Free Ericson Acosta Campaign, gayundin ang kampanyang Justice for Gerry Ortega, Justice for Fr. Pops Tentorio at Justice for Leonardo Co & Kananga 3.

Natatanging Progresibong Desisyon, Polisiya o Rekomendasyon (sa loob) ng Gobyerno

Tuluy-tuloy ang bungkalan sa Hacienda Luisita. (KR Guda)
Tuluy-tuloy ang bungkalan sa Hacienda Luisita. (KR Guda)
Ngayong taon tulad ng mga dati, marami sa mga hakbang ng Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura — tatlong branches ng gobyerno — ay masasabing nagpasahol sa abang kalagayan ng mga mamamayan at nagpatindi sa pagsasamantala ng iilan sa karamihan. Pero may iilang desisyon, polisiya o rekomendasyon na progresibo. Maaaring dahil ito sa pagpresyur mismo ng kilusang masa, o sa independiyenteng pagkilos ng iilang personalidad na may progresibong pag-iisip sa loob ng “reaksiyunaryong” pamahalaan. Anu’t anuman, kailangang kilalanin ang positibong debelopment na ito.
Kasama na rito ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang temporary restraining order na iniutos ng korte ring ito para di-maipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid na nagbubungkal dito. Para sa mga manggagawang bukid, na kinakatawan ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita o Ambala, isang panimulang tagumpay na ang desisyong ito, kahit na mahigit 50 taon din nilang hinintay ito. May mga nagsasabing maaaring bahagi ng “power playlamang ito ng Korte Suprema, partikular ni Chief Justice Renato Corona (na bumoto pang ibasura ang mismong Stock Distribution Option ng naekstend na Comprehensive Agrarian Reform Program ng gobyerno) para gantihan si Pang. Aquino. Pero hindi maitatangging iniluwal ito ng matagal na paglaban ng mga manggagawang bukid para sa kanilang karapatan sa lupa. Dugo ang kanilang idinilig. Ngayon, nagsisimula pa lamang ang laban.
Palparan. (Boy Bagwis)
Palparan. (Boy Bagwis)
Samantala, progresibo ring masasabi ang aktibong pagtugis ng Department of Justice sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kabila ng mga kasong isinampa ng iba’t ibang organisasyon kay Arroyo, tila matagal na inupuan ito ng administrasyong Aquino, hanggang muntik nang makaalis si Arroyo sa bisa ng pagbasura ng Korte Suprema sa hold departure order ng DOJ sa dating pangulo. Kahit na marami pang mas mabibigat na kaso na puwedeng ikaso laban kay Arroyo, “electoral sabotage” o pagsabotahe sa 2007 eleksiyon ang ikinaso ng DOJ sa kanya at nagdulot sa paglabas ng warrant of arrest ni Arroyo. Maituturing na positibong hakbang para sa pagpapanagot kay Arroyo ang pag-aresto sa kanya. Pero mas dapat na maituloy ang mas mabibigat na kaso, tulad ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, pandaraya sa 2004 eleksiyon, at iba pa. Samantala, mas progresibo ang paggiit na wala dapat na espesyal na pagtrato kay Arroyo. Ibig sabihi’y regular na karsel para kay Arroyo, hindi hospital o house arrest.
Progresibo rin ang naging desisyon ng DOJ na magsampa ng kasong kriminal laban kay retiradong Hen. Jovito Palparan Jr., at tatlong iba pang opisyal ng militar, para sa kaso ng pagdukot at pagtortyur kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno. Si Palparan ang isa sa mga premyadong heneral ng Armed Forces of the Philippines na nanguna sa implementasyon ng madugong programang kontra-insurhensiya ng nakaraang administrasyong Arroyo. Di-mabilang ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang itinuturol ng mga grupong pangkarapatang pantao kay Palparan. Pero dalawang testigo ng pagdukot, pagpiit at pagmamalupit niya at mga tropa niya kina Cadapan, Empeno, Manuel Merino at iba pa, ang nagdiin kay Palparan. Ngayon, (dapat na) tinutugis na ng mga awtoridad ang dating paboritong heneral ng gobyerno.

Natatanging Progresibong Opisyal ng Pamahalaan

UP Pres. Alfredo Pascual. (Darius Galang)
UP Pres. Alfredo Pascual. (Darius Galang)
Alfredo Pascual, kasalukuyang presidente ng sistema ng Unibersidad ng Pilipinas. Bagamat maituturing na malayong kawing ng burukrasya ang Unibersidad ng Pilipinas (kumpara, halimbawa, sa posisyon sa gabinete), appointment ng presidente ang naglagak kay Alfredo Pascual sa posisyon bilang pinuno ng pangunahing pamantasan ng gobyerno sa bansa.
Nang maluklok sa pagkapangulo ng UP, nangako si Pascual na hindi magkakaroon ng taas-singil sa matrikula sa naturang unibersidad. Binitiwan niya ito sa lahat ng sektor na nasasakupan ng UP, maging sa mga mamamahayag. May ilang alingasngas na pagsablay sa pangakong ito, pero lumalabas na sa pangkalahata’y nagiging matapat (sa ngayon) si Pascual.
Sa kanyang pamumuno, sinisikap diumano ni Pascual ang pagsasaayos ng piskal na katayuan ng UP, habang patuloy na gumigiit ng sapat na badyet. Hindi ito naging hadlang sa patuloy na akademikong excellence na ipinagmamalaki nito sa halos lahat ng disiplina.
Samantala, ipinakita rin ni Pascual ang pagkunsinti — sabihin na nating pagsuporta pa — sa militanteng mga protesta sa loob at labas ng pamantasan. Tulad na lamang ng paghayag niya ng suporta sa mga kabataang nasaktan sa  tangkang “Occupy Mendiola” ng militanteng mga kabataan bago matapos ang taon.

Natatanging Progresibong Mambabatas

Sen. Revilla (gitna), at mga lider-obrero ng KMU. (Arnold Reign Solaon/PW File Photo)
Sen. Revilla (gitna), at mga lider-obrero ng KMU. (Arnold Reign Solaon/PW File Photo)
Maliban sa mga kinatawan ng mga progresibong party-list sa Kamara (tinaguriang “Makabayan bloc”), may iilang mambabatas na naging mahigpit na alyado ng mga progresibo sa piling mga isyu at paninindigan. Isa na rito si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Isinusulong ng senador ang Senate Bill 1981, counterpart na panukalang batas ng House Bill 375 ng Anakpawis Party-list na kapwa nagsusulong ng P125 makabuluhang dagdag-sahod para sa manggagawa sa pribadong sektor. Tagasuporta rin siya ng panukalang batas para sa P6,000 dagdags-suweldo sa mga kawani ng gobyerno. “Prices of basic commodities and services are jacking up. Our government must show that it is living up to it is promises, and not merely saying words that are nice to hear without actually backing them up with action,” matapang na pahayag ni Revilla, nang kanyang isampa ang SB 1981.
Tahasan din ang pagkontra ni Revilla sa panukalang dagdagan ang singil sa pasahe ng Metro Rail at Light Rail Transit na kadalasang ginagamit ng mga ordinaryong mamamayan tulad ng mga manggagawa, estudyante at iba pang sektor, gayundin na tinutulan nito ang pagtaas sa toll fee sa mga express way. Sa kasagsagan ng mga bagyo at kalamidad sa gitna ng taon, ipinanawagan niya ang pagkakaroon ng moratoryo sa demolisyon sa mga kabahayan ng maralitang tagalungsod.
Kasama ang ilang mambabatas, naniniwala rin ang senador na hindi dapat kinakaltasan ang badyet ng state universities and colleges (SUCs).
 Honorable Mention: Rep. Manny Pacquiao, na umupo pa sa isang press conference kasama ang militanteng mga lider-manggagawa ng Kilusang Mayo Uno o KMU, at Anakpawis, para ihayag ang suporta sa P125 dagdag-sahod ng mga manggagawa. Progresibo at mapangahas ang tindig na ito, kaiba sa tindig ni Pacquiao sa maraming isyung pambayan, tulad ng Reproductive Health Bill.

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagtitipon

Botohan ng mga delegado sa ILPS Assembly. (Raymund Villanueva)
Botohan ng mga delegado sa ILPS Assembly. (Raymund Villanueva)
Sa Quezon City sa Pilipinas isinagawa noong Hulyo ang International Festival of People’s Rights and Struggles (IFPRS). Naging layunin ng IFPRS ang paggunita sa nagdaang mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpakita ng palalang kalagayan ng pandaigidgang sitwasyon, tulad ng naranasang mga food riot sa Algeria, Morocco, at Chile, at mga kilos-protesta laban sa mga austerity measure tulad sa Pilipinas, at sa Greece, France, at iba pang bansa sa Europa. Sa pistang ito, naganap din ang mga asembliya ng International Migrants Alliance at Interantional Women’s Alliance. Naganap din noong panahong ito ang International Conference on Progressive Culture at Agitprop International Film Festival.
Sa Hulyo din, naganap ang asembliya ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), isang malaking liga ng mga indibidwal at organisasyon na nagkakaisa laban sa imperyalismo at iba’t ibang uri ng pagsasamantala at pagpapahirap sa mga mamamayan ng mundo. Napapanahon ang asembliya, lalu’t dahil sumiklab at sumisiklab sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga protesta at pag-aalsa laban sa tiraniya at kapitalismo. Naging pagkakataon ito para muling magbahagi sa isa’t isa ng mga karanasan at leksiyon sa pakikibaka sa kani-kanilang bansa.

Natatanging Progresibong Pagtatanghal

Pagtatanghal na parangal kay Rosal sa UP Theater. (Macky Macaspac)
Pagtatanghal na parangal kay Rosal sa UP Theater. (Macky Macaspac)
Ang parangal bilang pambihirang pagtatanghal. Ito ang nasaksihan ng halos 3,000 katao na pumuno sa University of the Philippines Theater noong Oktubre 21 sa pagbibigay-pugay kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, ang pinakakilalang tagapagsalita ng kilusang komunista. Inisponsor ng National Democratic Front (NDF) Section ng Joint Monitoring Committee, dumalo sa parangal ang iba’t ibang personahe, progresibong lider, miyembro ng midya, aktibista at ordinaryong mga mamamayan. Naging isa itong taimtim at masayang selebrasyon ng buhay ni Ka Roger, sa pamamagitan ng mga talumpati mula sa mga nakakilala at tumitingala sa kanya, at ng audio-biswal na pagtatanghal ng kanyang mga panayam, imahe, at testimonya mula sa mga mga katrabaho, kaibigan at kapamilya. Nagsalita ang brodkaster na si Deo Macalma (sinariwa ang malapit nilang relasyon ng pala-kaibigan na si Ka Roger), ang konsultant ng NDF na si Vicente Ladlad (pabirong ikinuwento na sumabit lamang si Ka Roger sa mga tumakas mula sa piitan noong Batas Militar), at maging ang dating peace negotiator ng Government of the Philippines na si Silvestre Bello III. Tinanghal ang “Awit ng Kaingero,” kantang likha mismo ni Ka Roger, kasama ng iba pang rebolusyonaryong mga awit na bihirang itinatanghal sa entablado. Isang kapatid ni Ka Roger, tila hindi makapaniwala sa mga napanood at narinig noong gabing iyon, ang nagsabing, “Hindi ko akalaing makakapagsalita ako sa harap ng ganitong karaming tao.”  Sapagkat ganoong karami—at higit pa—ang sumasaludo kay Ka Roger. Wala man silang hawak na armas gaya ng New People’s Army na nauna namang nagsagawa ng pambansa-koordinadong gun salute, parang mga punglong tumatagos sa karimlan ng gabing iyon ang mga sigaw ng pagpupugay sa isang pambihirang tao.
Pagtatanghal ng "Poldet." (KR Guda)
Pagtatanghal ng "Poldet." (KR Guda)
Marapat ding kilalanin ang Poldet: Panata sa Kalayaan ng Mga Detenido Pulitikal, isang multi-midyang pagtatanghal. Una itong ipinalabas sa University of the Philippines noong Setyembre 30, at inulit sa isang bar sa Quezon City noong Disyembre 3 at 10. Pambihira ang kombinasyon ng orihinal na mga awit, tula, testimonya, sayaw, shadow play, at audio-biswal na ipinamalas ng Poldet. Nag-umpisa ito sa kuwento ng sinapit ng detenidong pulitikal na si Ericson Acosta (na may dala lamang laptop nang arestuhin ng militar, ngunit tinaniman ng granada at saka sinampahan ng kasong kriminal), pumalaot sa kasaysayan, at iniladlad ang kalagayan ng mahigit 300 pang detenidong pulitikal. Nagsanib sa produksiyon ang mga dating“poldet” (at anak ng poldet) na kapwa beterano at bata—sina Bonifacio Ilagan, Judy Taguiwalo, Satur Ocampo, Angie Ipong, Vencer Crisostomo, ang Morong 43, at si Axel Pinpin. Gayundin ang iba’t ibang progresibong grupong pangkultura at mga musikerong tulad nina Jess Santiago, Cabring Cabrera, Chickoy Pura, Los Indios Bravos, Roselle Pineda, Aki Merced, Sarah Maramag, Jon Corsiga, Nato Reyes, at maraming iba pa, para sa palabas na napapanahon ang tema at kaakit-akit ang porma.
(Basahin ang rebyu ni Rolando Tolentino ng Poldet)

Natatanging Progresibong Bidyo

Si Mandy Obrero (Mandy Felicia ng Ibon Foundation, Inc.) sa Kwentong Obrero ng Mayday Multimedia.
Si Mandy Obrero (Mandy Felicia ng Ibon Foundation, Inc.) sa Kwentong Obrero ng Mayday Multimedia.
Tunay na natatangi at epektibong nakakuha ng atensiyon ng mga manggagawa at iba pang sektor ang mga bidyong Kwentong Obrero ng Mayday Multimedia hinggil sa panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagagawa at oil overpricing at kartel ng langis sa bansa. Sa istilong patawa at magaang, at sa paggamit ng animation, epektibong naipaliwanag ng bidyo kung papaano nagkakaroon ng sobrang pamemresyo sa langis ang nagsasabwatang mga kompanya ng langis sa bansa, at kung bakit kailangan ng kagyat na makabuluhang dagdag-sahod ang mga manggagawa.
(Panoorin sa Vimeo ang naturang mga bidyo ng Mayday: Kwentong Obrero 1 at 2.)
Epektibo at tumimo rin sa mga nakapanood nito ang bidyo-dokumentaryong Ka Bel, na pumapaksa sa buhay at pakikibaka ng dakilang lider-obrero na si Crispin “Ka Bel” BeltranSa pamamagitan ng mga panayam at pagsasadula, nabigyang-buhay ang mga detalye sa naging buhay ni Beltran na nakatulong sa kanya na maging lider-obrero sa kabila ng panunupil at hirap.
Honorable Mention: Kailangang kilalanin din ang bukodtanging bidyo ng Tudla Productions na pinamagatang Barikada. Tulad ng sinabi ni Rolando Tolentino sa kanyang rebyu, natatangi ang naturang pelikula dahil sa porma ng dramatisasyon (katulad pa nga ng soap opera  na popular sa masa) at hindi dokumentaryo iprinisinta ang isyu ng demolisyon sa perspektiba ng mga maralitang lungsod. Mga maralita mismo ang gumanap ng mga karakter sa pelikula na hango rin sa kanilang karanasan, halimbawa, sa Brgy. Corazon de Jesus, San Juan. Kinikilala rin ang positibong representasyon ng mga kababaihan at kalalakihang lumaban sa rehimeng Marcos, sa pelikulang Ka Oryang na dinirehe ni Sari Lluch Dalena at nagwagi ng gantimpala bilang best picture sa Cinema One Film Festival ngayong taon. Kaiba sa karaniwang representasyon sa mga rebolusyonaryo sa mass media, mistulang heroic ang karakterisasyon ng naturang pelikula sa mga rebeldeng New People’s Army noong panahon ng diktadura. Heroic din ang karakterisasyon sa mga bilanggong pulitikal na nanindigan sa kanilang karapatan sa kabila ng mga abuso at panggigipit ng militar.

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

Agaw-eksena sa buong mundo ang protesta ni Marjohara Tucay. (Joseph Morong)
Agaw-eksena sa buong mundo ang protesta ni Marjohara Tucay. (Joseph Morong)
Pambihira ang pagbisita ng isang nangungunang ehekutibo ng gobyernong US sa Pilipinas. Pero mas pambihira na may naglalakas-loob na magsalita sa harap mismo ng ehekutibong ito para ikondena ang mga polisiya ng gobyernong US sa Pilipinas. Mas pambihira pa na isang mamamahayag ang gagawa nito. Pero ginawa ito ni Marjohara Tucay, punong patnugot ng Philippine Collegian sa UP Diliman. Sa pagbisita ni US Secretary of State Hillary Clinton sa bansa noong Nobyembre, pangunahing paksa ang pananatili ng puwersang Amerikano sa bansa sa ilalim ng maraming tratado, kabilang ang Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement. Bago matapos ang oras niya sa A Conversation in Manila, with US Secretary of State Hillary Clinton sa National Museum, tumayo si Tucay, bitbit ang mga plakard na “Junk VFA, Junk MDT! ” at sumigaw ng “There is nothing mutual in the Mutual Defense Treaty!” Pinalabas sa lugar si Tucay, pero pagkatapos lamang niya maihayag ang nais ihayag kay Clinton at sa mga sponsor at tagapakinig sa porum na tila inilunsad para papurihan ang Amerikanong lider. Nagbunsod ang insidenteng ito ng debate sa publiko, hinggil sa presensiya ng US sa bansa at hinggil sa tungkulin ng mamamahayag sa lipunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento