Miyerkules, Disyembre 28, 2011

ANG KASAYSAYAN NG IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE SA BAYAN NG BONGABONG

SULYAP SA KABUUAN NG IFI:
                   Ang Iglesia Filipina Independiente o Philippine Independent Church ay isang buhay na bantayog ng pakikihamok ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bayan at ng simbahan, para sa kasarinlan ng bayan at sa karangalang pantao. Siya ay may maipagmamalaking kasaysayan na angkop lamang sa isang bayang sumasampalataya (Awit 33: 12) at sumasamba sa Diyos na kinikilala nilang makatarungan at mahabaging Panginoon na pumapasok sa Kasaysayan kailan ma't may masamang tangka sa kabuuan ng lahat ng nilikha ng Diyos. At nasa kanya ang pangunguna, pagtatanggol, pagtangkilik at pagmamahalsa sariling bayan, ngunit nananatiling matibay na moog ng kaisahan ng mga simbahan at kapatiran ng tao sa buong mundo.
                   Dahil narin sa masalimuot na karanasan ng mga Filipino sa kamay ng mga prayle at ng simbahang banyaga (Iglesia Romana) ay walang pag-aalinlangang ipinahayag ang paghihiwalay ng IFI sa Vaticano. Ito'y pinangunahan ng lider ng kauna-unahang unyon ng mga obrero (Union Obrera Democratica-UOD) sa bansa na si Don Isabelo delos Reyes Sr., at sa tulong ng kanyang mga kasamahang makabayan ay ipnuruklama ang IFI sa Maynila noong Agosto 3, 1902. At hinimok na pamunuan ito ni Obispo Gregorio Aglipay y Labayan na naging kauna-unahang Obispo Maximo ng nasabing simbahan.
                   Nang ipinahayag ang paghihiwalay ng IFI sa Vaticano noong 1902, hindi ito waring putok sa kawayan na pangyayari sa kasaysayan. Siya ay nagsimula sa isang katutubong simbahan at nagka-ugat sa hinihinging karapatan na maging ang mga Pilipinong pari ang mamahala sa bawat parokya sa buong bansa. Dahil labag ito sa kalooban ng mananakop at ng banyagang simbahan na kung kaya't lalong umigting ang labanan ng pagbabago laban sa kamay ng mapang-aping dayuhan. Sa pagsisikap at pakikiisa ng mga makabayang Pilipino at sa tulong ng Diyos ang katutubong simbahan ay hindi napigilang umusbong at sumulong na ngayo'y may tinatayang pitong (7) milyong kasapi.
                 
                             ANG IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE SA BONGABONG, SILANGANG MINDORO

                  Ayon sa kasaysayan ang bayan ng Bongabong ay naging ganap na naging bayan noong Disyembre 7, 1927 sa bisa ng "Philippine Commision 3415". Ang Iglesia Filipina Independiente na kilala sa katawagang Aglipay ay naroon na bago pa man naging bayan ang Bongabong. Pinatutunayan ito ng mga ninunong Aglipayano na nagmula sa Panay, Romblon, Marinduque at iba pang karatig na probinsya na namuhay sila kasama ang pananampalayang Aglipayano. Na sa kabila ng kawalan ng paring namumuno sa kanila ay ipinagpatuloy nila ang tradisyon na gumawa ng tuklong sa araw ng kapistahan at Flores de Mayo. Upang maipahayag nila ang dakilang pasasalamat sa biyayang nagmula sa Diyos at higit sa lahat ay pasalamatan ang kalayaang tinamo ng sambayanang Pilipino.
                 Taong 1930 ng dumating sa Bongabong ang Iglesia Filipina Cristiana o Filipino Christian Church-FCC sa pamumuno ni Obispo Ciriaco de las Llgas. Ang dating Obispo ng Iglesia Filipina Independiente sa humiwalay sa panahon ng pamumuno ni Obispo Maximo Gregorio Aglipay dahil sa hidi maiwasang panloob na suliranin. Sa pagnanais na maipagpatuloy ang kanyang menisteryo ay itinatag niya ang Iglesia Filipina Cristiana-IFC noong Disyembre 1926 sa Dolores, Tayabas na ngayon ay Quezon. At dito'y itinalaga niya si Reb. Padre Fancisco Mendoza na naging misyonaryong pari sa lalawigan ng Mindoro. Hindi naglaon itoy naging parokya sa pamumuno ni Fr. Mendoza noong Marso 17, 1936. Naitayo nila ang unang simbahan sa may Aplaya na ngayo'y Barangay Aplaya. At sa paglalakbay ng panahon ito'y muling inilipat sa Balete na kasalukuyang kinatatayuan ng ng bahay ng yumaong Remedios Mendoza, at sa kabila ng kanilang paghiwalay ay taglay parin nila ang Doktrina, katuruan, at liturhiyang halaw sa pananampalatayang Aglipayano at nagpapakilala rin silang Aglipayano.
                 Ang Libro de Bautismo at Kasamento ng Parokya ay isang patunay na nagpapahayag na noon ay may higit kumulang 80% ng populasyon ng Poblacion ay naging Aglipayano at sa buong munisipyo ay tinatayang umabot sa 30 hanggang 50%. Nakapagpagawa rin ng mga kapilya sa mga barangay ngunit wala itong papeles at yari lamang sa nipa kung kaya't madali rin itong nasira ng mga hindi maiwasang kalamidad. Ngunit ang bahaging ito ang nagpapatunay na may kalakasan ang mga Aglipayano noong 1934 hanggang taong 1960. May mga antego itong mga imahin sa loob ng simbahan ngunit ito'y nangawala sa panahong ito'y naabanduna.
                 May kasabihang sa kabila ng kalakasan ay may naghihintay kahinaan at ito'y naganap sa IFI lalo na't ng dumating ang panahong tumatanda si Padre Mendoza. Nkaligtaan ang mga pagbabago at reporma na dapat gawin sa panahon ng kalakasan. Hindi napagtuunan ng pansin ng pagtatayo ng konkretong simbahan, bumili ng mga lupa para tayuan ng mga kapilya at iba pang bagay na makakatulong sa pagpapatatag ng pananampalatay ng kapatiran.
                 Kaya't ng dumating muli ang panahon ng pagbabalik ng banyagang simbahang Iglesia Romana sa pangunguna ng Society of Devine Word na higit na may kaalaman at makinarya sa usapin ng pagmimisyon ang simbahang malaya ay unti- unting ipinagkanulo at iniwan. Higit pa itong naramdaman ng dumating ang mga protestanteng simbahan na halos ikalugmok ng nasabing simbahan. Ngunit ang ugat nito bilang nasyonalismo at rebulosyunaryong simbahan ay sariwang sariwa sa puso't isipan ng mga Pilipinong ang kanilang mga ninuno ay isa sa mga dahilan ng pagkabuo nito.
                                    ANG PAGBABALIK NG IGLESIA FILIPINA CHRISTIANA SA IFI:

                 Nang dumating ang taong 1950 hanggang 1960 ay nagkaroon na ng pag-uusap tungkol sa rekosulasyon ng IFC sa kanyang inang simbahang IFI. Si Obispo de las Llagas na nabansagang "Alibughang Anak" ng IFI ay buong pusong nanumbalik sampu ng kanyang mga tagasunod. Isa na rito si Padre Mendoza na tumalima sa usapin ng pagkakasundo. Walang dudang pumasailalim si Padre Mendoza sa pamumuno ng Obispo Fortunato Magdalino.
                 Nagkaroon ng panibagong sigla ang simbahang malaya bagamat pangilan-ngilan ang nanumbalik na kasapi nito. Nakabili sila ng lupa sa Bagong Bayan II sa tulong at pakikiisa nina Engr. Pedro Rodroguez at Dr. Artemio Zoleta na pawang tubong Marinduque. At sa pangunguna ni Obispo Magdalino at pakikiisa ng mga matapat na kapatiran ay naitayo nila ang malaon ng pangarap na bahay- dalanginan na hindi nakita sa panahon ng yumaong Padre Mendoza.
                Taong 1964 ng bawian ng buhay si Padre F. Mendoza kung kaya't naibigay ang pamumuno kay Padre Manuel Adriano na nooy Kura Paroko ng Roxas. Lingid sa lahat na may kalayuan ang Roxas sa Bongabong. Liban dito'y mahirap  ang sasakyan na kung nadadalaw lamang ito kung magmimisa at gawaing sakramento. Bukod rito ay may katandaan narin noon si Padre Adriano na kung kaya't umabot lamang siya noong taong 1969 at ito'y lubusan na niyang iniwan at pinabayaan. Dahil sa walang makapalit na pari ipinagkatiwala na lamng ang pangangalaga sa mag-asawang Totong at Didang Castillo hanggang taong 1979.
                Hindi naglaon muli itong binuksa ni Padre Ephraim Fajutagana na humalili sa Roxas bilang Kura Paroko. Sa panahong yaon ay lulubog lilitaw ang Malayang Simbahan. Maaaring dahil narin sa hindi matibay na pananalig ng nakararaming kasapi nito. Na sa halip magsama-samang itayo at itaguyod ay lalo pang inilulugmok at pinabayaan at lumipat muli sa iniwang banyagang simbahan.
                                     ANG PAGKABUHAY NG IFI SA BAYAN NG BONGABONG

                Sa Kabila ng masalimoot na karanasan ng IFI sa Bongabong ay muling namanaag ang pag-asa ng muling pagkabuhay nito ng dumating si Padre ASrted Noche Fababe-ir. Taong 1983, buwang ng Oktubre ay itinalaga ni Obispo Maximo Abdias dela Cruz, D.D. si Padre Arted N. Fababe-ir bilang misyonaryong pari ng Bongabong. Bagamat ang parokyang ito ay itinuring na patay dahil sa kawalang ng pari ay hindi ito nangahulugang patay na rin ang diwa at adhikain ng misyong ito. Ang diwa ng repormasyon at nasyonalismo ay muling dinilig at umusbong sa tulong ng Diyos at ng kanyang kasangkapan.
                 Nagpanibagong sigla ang Inang Simbahan "La Iglesia Filipina Independiente" (IFI) sa pamumuno ni Padre Fababe-ir. Halos tatlong taon siyang nagmimisa sa bahay ng anak ng dating pari na si Remedios Mendoza na siya rin ang nagbigay daan upang muling makilala ng bagong pari ang mga dating kasapi nito. Dahil sa layuning muling mabuo ang IFI sa nasabing bayan ay naglunsad ng ibat-ibang programa ang nasabing pari na siyang gumising sa mga dating kasapi na muling makiisa at itaguyod ang Simbahang Malaya.
                 Sa loob ng labing-apat (14) na taon na inilagi ni Padre Arten N. Fababe-ir bilang Kura Paroko sa Bongabong ay muli na namang nakapagtayo ng mga kapilya sa mga barangay. Katunayan ay may 292 na paris ang tumanggap ng sakramento ng kasal at 803 ang tumanggap ng sakramento ng binyag maliban sa dating binyagan at ikinasal ng mga nakaraang kaparian. Ang mga pangitaing ito ay isang hudyat lamang na hindi na mapigilang paglago at pagsulong ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa bayan ng Bongabong upang maipagpatuloy ang totoong paglilingkod sa Diyos at Bayan. Pro Deo Et Patria.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento